Maraming katanungan ang 17 taong gulang na si Trevor tungkol sa Dios pero hindi masagot-sagot ang mga nito. Ilang taon ang ginugol niya sa paghahanap ng mga kasagutan pero nabigo lamang siya. Naging daan naman ito para mapalapit sa kanyang magulang. Gayon pa man, nanatili siyang nag-aalinlangan sa mga itinuturo ng Biblia.
Matutunghayan natin sa Biblia ang isa ring lalaki na puno ng alinlangan dahil sa mga naranasang paghihirap. Siya si Haring David. Nang tumakas si David mula sa kanyang mga kaaway, hindi siya tumakbo palayo sa Dios kundi nagpuri siya, “Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal, hindi ako matatakot. Kahit salakayin nila ako, magtitiwala ako sa Dios” (Salmo 27:3).
Ngunit mababanaag pa rin sa salmo ni David ang kanyang alinlangan, “Kahabagan N’yo ako at sagutin ang aking dalangin... Huwag N’yo po akong pagtaguan!... Huwag N’yo akong iwanan at pabayaan” (Tal. 7, 9). Gayon pa man, hindi hinayaan ni David na maparalisa ng kanyang mga alinlangan. Kanyang inihayag, “Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan N’yo, Panginoon, habang ako’y nabubuhay dito sa mundo” (Tal. 13). At ang kanyang payo sa atin at sa lahat ng mga tulad ni Trevor, “Magtiwala kayo sa Panginoon! Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa. Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!” (Tal. 14).
Hindi tayo makakahanap ng mabilis o simpleng sagot sa mga tanong natin pero masusumpungan natin ito kung maghihintay tayo sa Dios na tunay nating mapagkakatiwalaan.