Mas kilala ang isang kabilang sa dugong bughaw na pamilya kung mas malapit siya sa trono. Nasa 60 na katao ang nakalinya sa British royal family at isa na rito si Lord Frederick Windsor na nasa ika-49 linya para sa trono. Sa halip na mamuhay sa mata ng publiko at katanyagan, mas pinili niyang mamuhay nang tahimik. Kahit nagtatrabaho siya bilang isang financial analyst, hindi siya itinuturing na ‘working royal’ na isang mahalagang miyembro ng pamilya na binabayaran bilang kinatawan ng kanilang pamilya.
Si Natan naman na anak ni David (2 Samuel 5:14) ay isa ring dugong bughaw na namuhay na tulad ni Lord Frederick. Kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa kanya. Pero bagamat hindi siya binabanggit sa pinagmulang lahi ni Jesus sa Aklat ng Mateo (mula sa linya ni Jose, Mateo 1:6), binanggit naman siya sa Aklat ng Lucas na pinaniniwalaan ng mga iskolar na linya ito ng pamilya ni Maria (3:31). Hindi man siya naupo sa trono, mayroon pa rin siyang nagampanang tungkulin sa kaharian ng Dios.
Bilang mga mananampalataya ni Cristo, itinuturing din tayong dugong bughaw. Isinulat ni Apostol Juan na binigyan tayo ng Dios ng “karapatang maging anak ng Dios” (Juan 1:12). Hindi man tayo tanyag, tayo’y mga anak ng Hari!
Itinuturing tayo ng Dios na mahalaga at Kanyang hinirang bilang mga kinatawan Niya sa mundong ito at darating ang araw na maghahari Siya kasama natin (1 Timoteo 2:11-13). Tulad ni Natan, hindi man tayo makapagsuot ng korona dito sa mundo, mayroon naman tayong gagampanang tungkulin sa kaharian ng Dios.