Ikinuwento ng mamamahayag na si Malcolm Muggeridge ang nangyari sa kanya. Isa siyang espiya noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sinabi niya, “Humiga ako sa aking kama na lugmok sa kawalan ng pag-asa.” Pakiramdam niya noo’y nag-iisa siya at walang nakikitang anumang liwanag.
Naisip niyang lunurin ang sarili kaya pumunta siya sa dagat. Habang lumalangoy, nasulyapan niya ang mga ilaw sa ‘di kalayuan. Lumangoy siya sa direksiyon ng mga ilaw. At kahit pagod, nakaramdam siya noon ng labis na kagalakan. Hindi iyon lubos na maunawaan ni Malcolm pero alam niyang ang Dios ang kumilos sa pagkakataong iyon kung saan nagkaroon siya ng pag-asa.
May mga isinulat naman si Apostol Pablo tungkol sa pag-asa na mula sa Dios. Sinabi niya sa mga taga-Efeso noong hindi pa nila kilala si Cristo, “itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga pagsuway ninyo at mga kasalanan...Namumuhay kayo sa mundong ito ng walang pag-asa at walang Dios” (Efeso 2:1, 12). “Ngunit napakamaawain ng Dios at napakadakila ng pag-ibig Niya sa atin, na kahit itinuring tayong patay dahil sa mga kasalanan natin, muli Niya tayong binuhay kasama ni Cristo” (Tal. 4-5).
Susubukan ng mundo na ilugmok tayo pero hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Tulad ng sinabi ni Malcolm, “Naging malinaw sa akin na walang kadiliman, nagiging bulag lang tayo kaya hindi natin nakikita ang liwanag na mula sa Dios na pang walang-hanggan.”