Pagkatapos kong makipag-usap kay Grady, naintindihan ko na kung bait mas gusto niya ang makipag fist bump kaysa sa makipagkamayan. Makikita kasi sa pakikipagkamayan ang pilat sa kanyang pulso na dulot ng ginawa niyang paglalaslas noon. Karaniwan na sa atin na itago ang ating mga pilat o sugat na idinulot ng ibang tao o ng ating mga sarili mismo.
Naalala ko sa aming pag-uusap ni Grady ang mga pilat ni Jesus na dulot naman ng pagkakapako sa Kanyang kamay at paa at pagsaksak ng sibat sa kanyang tagiliran. Pero sa halip na itago ni Jesus ang kanyang mga pilat, ipinakita Niya ito.
Ipinakita ni Jesus ang Kanyang mga pilat kay Tomas noong mag-alinlangan ito sa muli Niyang pagkabuhay. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tingnan mo ang mga kamay Ko. Hipuin mo, pati na rin ang Aking tagiliran. Huwag ka nang magduda; maniwala ka na” (Juan 20:27). Nang makita at hipuin ni Tomas ang mga pilat ni Jesus at mapakinggan ang sinabi Niya, naniwala na si Tomas. Sinabi niya, “Panginoon ko at Dios ko!” (Tal. 28). Sumagot naman si Jesus, “Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita” (Tal. 29).
Ang pinakamagandang balita ay ang mga pilat ni Jesus ay para sa ating mga kasalanan, mga kasalanang nagawa natin laban sa iba at sa ating mga sarili. Ang kamatayan ni Jesus ay para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng mga sasampalataya sa Kanya at tulad ni Tomas ay ipahayag din si Jesus na, “Panginoon ko at Dios ko!”