Ninanais ng Dios na gamitin sa Kanyang gawain ang mga taong sa tingin ng mundo ay hindi karapat-dapat tulad ni William Carey. Mahirap at hindi masyadong mataas ang kanyang pinag-aralan. Hindi rin siya masyadong matagumpay pagdating sa napili niyang trabaho. Pero, binigyan siya ng Dios ng pagnanais sa pagpapahayag ng Magandang Balita at naging misyonero.
Natuto si William ng wikang Griyego, Hebreo at Latin. Siya rin ang kauna-unahang nagsalin ng Bagong Tipan sa wikang Bengali. Kinikilala siya ngayon bilang “Ama ng modernong pagmimisyon”. Ayon sa kanyang sulat, buong pagpapakumbaba niyang sinabi na nagagawa niyang magtiyaga dahil lamang sa lakas na mula sa Dios.
Kapag may ipinapagawa sa atin ang Dios, binibigyan Niya tayo ng lakas para maisakatuparan natin ito sa kabila ng ating mga limistayon. Sa Hukom 6:12, nagpakita ang anghel ng Dios kay Gideon at sinabing, “Ikaw, magiting na sundalo, ang Panginoon ay sumasaiyo.” Pagkatapos, sinabi ng anghel na iligtas nito ang Israel mula sa mga sumasalakay sa kanilang bayan at mga pananim. Sumagot naman si Gideon, “Pero paano ko po maililigtas ang Israel?...ako naman po ang pinakaaba sa pamilya namin” (Tal. 15). Sa kabila ng maliit na pagtingin ni Gideon sa kanyang sarili, ginamit pa rin siya ng Dios para iligtas ang mga Israelita.
Ang pagtatagumpay ni Gideon ay dahil sa mga salitang, “ang Panginoon ay sumasaiyo” (Tal. 12). Habang buong pagpapakumbaba tayong lumalakad kasama ang ating Tagapagligtas at nanangan sa Kanyang lakas, tutulungan Niya tayo na maisa-katuparan ang mga gawaing posible lamang na matupad sa pamamagitan Niya.