Noong 2019, ginunita sa buong mundo ang ika-500 anibersaryo ng kamatayan ni Leonardo da Vinci sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kanyang mga obra sa mga art exhibit. Isa na rito ang The Last Supper o Ang Huling Hapunan.
Inilalarawan sa obrang ito ni da Vinci ang huling hapunan ni Jesus kasama ang Kanyang mga alagad na binabanggit sa Aklat ni Juan. Makikita dito ang pagkalito ng mga alagad at ang sinabi ni Jesus na, “Ang totoo, tatraydurin ako ng isa sa inyo” (Juan 13:21). Naguguluhan ang mga alagad habang pinag-uusapan nila kung sino ang magtataksil kay Jesus. Tahimik namang umalis si Judas upang ipaalam sa mga awtoridad ang kinaroroonan ng kanyang guro.
Kitang-kita ang sakit na naidulot ng pagtataksil ni Judas sa mga sinabing ito ni Jesus, “Trinaydor Ako ng nakisalo sa Akin sa pagkain” (Tal. 18). Malapit itong kaibigan na may pribilehiyong makasalo Siya sa pagkain ngunit ginamit lamang para ipahamak Siya.
Maaaring naranasan na ng bawat isa sa atin ang pagtaksilan ng isang kaibigan. Paano tayo tutugon sa ganoong masakit na sitwasyon? Nagbibigay ng pag-asa ang Salmo 41:9. Matapos ibuhos ni David ang pait na kanyang nararamdaman dahil sa panlilinlang ng kanyang matalik na kaibigan, inalala niya ang pag-ibig at presensya ng Dios (41:11-12). Kung bibiguin tayo ng ating mga kaibigan, hindi tayo lubusang malulungkot dahil nariyan ang Dios upang ipadama sa atin ang Kanyang pagmamahal at presensya. Tutulungan Niya tayong mapagtagumpayan ito.