May isang orca o uri ng balyena noon na nagngangalang Talequah ang nagsilang ng kanyang supling ngunit namatay ito pagkaraan lamang ng halos isang oras. Labis na naghinagpis si Talequah na napanood ng mga tao sa buong mundo. Labing pitong araw na bitbit ni Talequah ang patay nitong anak sa kalagitnaan ng Pacific Ocean bago niya ito tuluyang pinakawalan.
Minsan, nahihirapan din ang mga mananampalataya kay Cristo kung paano harapin ang kapighatian. Natatakot tayo marahil na makita na tila nawawalan na tayo ng pag-asa. Ngunit mababasa natin sa Biblia ang maraming pagkakataon na umiiyak ang mga tao sa Dios dahil sa labis na hinagpis. Ang pagtangis at pagkakaroon ng pag-asa ay maaaring maging tugon ng isang tapat na mananampalataya sa panahon ng pagdadalamhati.
Ang aklat ng Panaghoy ay naglalaman ng 5 tula na nagpapahayag ng hinagpis ng mga tao na nawalan ng kanilang tahanan. Hinahabol sila ng kanilang mga kaaway at nais silang patayin (3:52-54). Umiyak at tumawag sila sa Dios upang bigyan sila ng katarungan (Tal. 64). Umiyak sila sa Dios hindi dahil nawalan na sila ng pag-asa, kundi dahil naniniwala sila na nakikinig ang Dios. At kapag sila’y tumatawag sa Dios, lumalapit Siya (Tal. 57).
Hindi mali ang maiyak dahil sa masamang nangyayari sa mundo o sa ating buhay. Tandaan natin na laging nakikinig ang Dios at makakaasa tayo na tutunghay ang paningin ng Dios sa atin mula sa langit.