Nang malaman ni Papa John na mayroon siyang kanser, ibinahagi nila sa online ng kanyang asawang si Carol ang pakikipaglaban niya sa sakit. Naniniwala silang gagamitin ng Dios ang kanilang karanasan upang magministeryo sa iba. Sa loob ng dalawang taon, ibinahagi nila sa mga tao ang kagalakan, kalungkutan at sakit na naranasan ni Papa John.
Nang isinulat ni Carol na namatay na si Papa John, maraming tao ang tumugon. Isa sa kanila ang nagsabing magandang mapakinggan ang pananaw ng mananampalataya kay Cristo tungkol sa kamatayan. May isa namang nagsabing kahit hindi niya nakilala nang personal ang mag-asawa, nagbigay sa kanya ng lakas ng loob ang pagtitiwala nila sa Dios.
Kahit may mga pagkakataong nakakaramdam ng sobrang sakit si Papa John, ibinahagi nila ang kanilang kuwento upang maipahayag kung paano sila tinulungan ng Dios. Alam nilang magkakaroon ito ng bunga at isinabuhay din nila ang isinulat ni Pablo kay Timoteo noong siya’y dumaranas ng hirap, “kilala ko kung sino ang sinasampalatayanan ko at natitiyak kong maiingatan Niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa Kanya” (2 Timoteo 1:12).
Maaaring gamitin ng Dios kahit ang kamatayan ng isang mahal sa buhay upang patatagin ang ating pananampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng kagandahang-loob na natanggap natin mula kay Jesus (Tal. 9). Kung dumaranas tayo ng dalamhati at paghihirap, bibigyan tayo ng Dios ng kaaliwan at kapayapaan.