Nagtatrabaho si Tom sa isang law firm at isa sa kanilang kliyente ay ang kumpanya ni Bob. Naging magkaibigan sina Tom at Bob hanggang sa makadispalko ng malaking halaga si Tom sa kumpanya ni Bob. Nasaktan at nagalit si Bob pero pinayuhan siya ng kanilang bise presidente na sumasampalataya kay Jesus. Sinabi niya kay Bob na iurong na ang kaso kay Tom dahil labis naman itong nagsisisi. Sinabi pa nito na magiging tapat na empleyado si Tom dahil sa laki ng pasasalamat kay Bob. At naging ganoon nga si Tom.
Pinakitaan din ng kagandahang-loob si Mefiboset na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia. Si Mefiboset ay apo ni Haring Saul na nais patayin si Haring David. Pero minahal ni David ang anak ni Saul na si Jonatan kaya itinuring niyang anak si Mefiboset na isa sa mga nabubuhay pang anak ni Jonatan (2 Samuel 9:1-13).
Nagkaroon ng matapat na kaibigan si David dahil sa ipinakita niyang kagandahang-loob. Sinabi ni Mefiboset, “Dapat ay papatayin n’yo na ang buong angkan ng lolo ko pero binigyan n’yo ako ng karapatang kumain kasama ninyo” (19:28). Nanatili siyang tapat kay David kahit na noong tinutugis si David ng anak niyang si Absalom sa Jerusalem (16:1-4; 19:24-30).
Nais mo bang magkaroon ng tapat na kaibigan? Magpakita ka rin ng ‘di-pangkaraniwang kabutihan sa mga taong nakagawa sa iyo ng masama. Maaari mong papanagutin sila sa kanilang kasalanan pero bigyan mo sila ng pagkakataon na itama ang kanilang pagkakamali.