Hating-gabi noon nang magpunta sa Jerusalem si Nehemias sakay ng kanyang asno upang tingnan ang kalagayan nito. Nakita niya ang mga nagibang pader at ang mga pintuan na nasunog. May mga bahagi roon na napakaraming basura kaya hindi makaraan ang kanyang asno. Malungkot siyang bumalik pauwi.
Nang magbibigay na siya ng ulat sa mga opisyal ng lungsod, sinabi niya, “Nakita n’yo ang nakakaawang kalagayan ng lungsod natin. Wasak ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito” (Nehemias 2:17).
Pero dahil sa sinabi ni Nehemias na pinagpapala siya ng Dios, lumakas ang loob ng mga balisang opisyal. Agad nilang sinabi, “Sige, muli nating itayo ang pader” (Tal. 18). At iyon nga ang ginawa nila. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Dios at ng kanilang pagsisikap, nagawa nila ang tila imposibleng gawain. Sa tulong nga ng Dios at sa pangunguna ni Nehemias, naitayo nila ang pader ng Jerusalem sa loob lamang ng 52 araw (6:15).
May ipinapagawa ba sa iyo ang Dios na sa tingin mo’y napakahirap na gawin? Maaaring may kasalanan kang nais Niyang talikuran mo o may nakaalitan ka na dapat isaayos dahil hindi ito nakalulugod sa Dios? Humingi ka ng gabay sa Dios (2:4-5), pag-aralang mabuti ang sitwasyon (Tal. 11-15) at tanggapin mo na kailangan mo ang tulong Niya (Tal. 18). Tutulungan tayo ng Dios na muling maisaayos ang nasira nating relasyon sa ating kapwa.