Kasali ang aking asawa sa isang laro na ginanap sa isang malawak na palaruan. Nang sasaluhin na niya ang bolang papalapit sa kanya, nabunggo siya sa bakod ng palaruan. Nang gabing iyon, inabutan ko siya ng yelo upang mabawasan ang sakit na nararamdaman niya sa kanyang balikat.
Tinanong ko rin siya kung kumusta na ang pakiramdam niya. Sabi niya, “Maiiwasan sana ang nangyari sa akin kung sumigaw ang isa kong kakampi na malapit na akong mabunggo sa bakod.”
Ipinapaalala naman sa atin ng Salita ng Dios na ang mga mananampalataya ni Jesus ay nararapat na magtulungan at isipin ang kapakanan ng bawat isa gaya ng isang koponan sa laro. Sinabi ni Apostol Pablo na mahalaga para sa Dios kung paano natin pakikitunguhan ang bawat isa dahil ang asal ng isang tao ay maaaring makaapekto sa ibang tao (Colosas 3:13-14). Magiging maayos ang samahan ng mga nagtitiwala kay Jesus kung gagamitin natin ang bawat pagkakataon upang maglingkod sa iba at mamuhay nang mapayapa at may pagkakaisa.
Sinabi rin ni Pablo na, “Itanim ninyong mabuti sa mga puso n’yo ang mga aral ni Cristo. Paalalahanan at turuan n’yo ang isa’t isa ayon sa karunungang kaloob ng Dios. Umawit kayo ng mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espiritwal” (T. 16). Sa pamamagitan nito ay maipapakita natin ang pagmamahal natin sa iba at sama-sama nating mapapasalamatan ang Dios.