Lumaki si Rob na walang ama at pakiramdam niya nawalan siya ng pagkakataong matuto ng mga praktikal na kaalaman na, kadalasan, itinuturo ng ama sa kanilang mga anak. Hindi niya gustong magkulang ang sinuman sa mahahalagang kakayahan kaya gumawa siya ng isang seryeng pinamagatang “Itay, Paano Ko?” Sa mga ‘video’ na ito, ipinapakita niya ang iba’t ibang kaalaman tulad ng kung paano bumuo ng istante at paano magpalit ng gulong sa kotse.
Dahil sa bait at sigla sa pagtuturo, sumikat siya at nagkaroon ng milyon-milyong manonood sa Youtube.
Marami sa atin ang nananabik sa kagalingan ng isang magulang para turuan tayo ng mahahalagang kasanayan at tulungan tayo sa pagharap natin sa mahihirap na bagay sa buhay. Nangailangan din si Moises ng karunungan pagkatapos niya at ng mga Israelitang umalis sa Ehipto at magsimulang magtatag ng sarili bansa. Nakita ni Jetro, ang biyenang lalaki ni Moises, ang kabigatang dulot ng pag-aayos ng mga ’di pagkakaunawaan ng mga tao. Kaya pinayuhan niya si Moises kung paano ibahagi sa iba ang katungkulan (Exodus 18:17-23). “Pinakinggan ni Moises ang payo ng kanyang biyenan at sinunod niya ito” (Tal. 24).
Alam ng Dios na kailangan natin ng karunungan. Nabiyayaan man tayo o hindi ng mga magulang na makaDios at nagbibigay ng mabubuting payo, puwede tayong humingi ng karunungan sa Dios (Santiago 1:5). Ibinahagi rin sa atin ng Dios ang dunong Niya sa pamamagitan ng Biblia na nagpapaalala sa atin na kapag nagpakumbaba tayo at taus-pusong nakinig sa mga marunong, matututo tayo at makakapagbahagi rin ng dunong sa iba (Kawikaan 19:20).