Nasa bahay lang ang maraming taga-Singapore para makaiwas sa nakakahawang bayrus habang may pandemya ng COVID-19. Pero nagpatuloy ako sa paglangoy; tiwala akong ligtas naman ito. Natakot ang misis ko na baka mahawa ako ng bayrus at maipasa ko ito sa nanay niyang mas mahina sa akin. Tanong ni misis, “Puwede bang huwag ka muna lumangoy alang-alang sa akin?” Igigiit ko sana na hindi naman delikado pero naisip kong pahalagahan ang damdamin niya.

Puwede ko namang ipagpaliban ang paglangoy lalo pa’t nagdudulot ito sa kanya ng pag-aalala na puwede namang maiwasan.

Sa Roma 14 tinalakay ni Apostol Pablo kung dapat bang kumain ng ilang pagkain o lumahok sa ilang pagdiriwang ang mga sumasampalataya kay Jesus. Ikinabahala niya na may ilang taong ipinipilit ang paniniwala nila sa iba. Paalala ni Pablo sa simbahan sa Roma, at sa atin, na maaaring magkaiba ang pananaw ng mga mananampalataya sa mga sitwasyon. Magkakaiba kasi ng mga karanasan at nakakaapekto ito sa mga pananaw at gawi natin. “Huwag na nating hatulan ang isa’t isa. Huwag na rin tayong maging dahilan ng pagkakasala ng ating kapatid” (Tal. 13 MBB).

Kalayaan ang dulot sa atin ng kabutihang-loob ng Dios at ito rin ang tumutulong sa ating ihayag ang pag-ibig ng Dios sa kapwa mananampalataya. Puwedeng gamitin ang kalayaang ito para mas pahalagahan ang pangangailangan ng iba kaysa sa sariling nating paniniwala sa patakaran at mga gawi na ‘di naman sumasalungat sa pinakamahalagang katotohang nakikita natin sa Magandang Balita tungkol kay Jesus (Tal. 20).