Isang Christian na eskuwelahan para sa mga batang may autism ang nakatanggap ng malaking donasyon mula sa isang kompanya. Matapos makita na walang kalakip na kondisyon doon, tinanggap nila ang pera. Pero hindi nagtagal, humiling ang kompanya na magkaroon sila ng kinatawan sa school board. Ibinalik ng direktor ng eskuwelahan ang pera. Ayaw niyang makompromiso ang mga pinapahalagahan ng paaralan. Sinabi niya, “Mas importanteng gawin ang pagawain ng Dios sa paraan ng Dios.”
Maraming dahilan para tumanggi sa tulong, at ito ay isa sa mga iyon. Sa Biblia, may nakita pa tayong isa pa. Nang bumalik sa Jerusalem ang mga pinatapong Judio, inatasan sila ni Haring Cyrus para itayo muli ang templo (Ezra 3). Nang sabihin ng mga kapitbahay nila na, “Tutulungan namin kayo sa pagpapatayo ng templo dahil sinasamba rin namin ang Dios nʼyo kagaya ng ginagawa ninyo” (4:2), tumanggi ang mga pinuno ng Israel.
Naisip nilang kapag tinanggap nila ang alok na tulong, makokompromiso ang integridad ng proyekto nila at papasok sa komunidad nila ang pagsamba sa dios-diosan dahil sinasamba iyon ng mga kapitbahay nila. Tama ang ginawa nilang pasya, dahil pagkatapos niyon, pinigilan na ng mga ito ang pagtatayo nila ng templo.
Sa tulong ng Banal na Espiritu at sa payo ng mga mananam-palataya kay Jesus, puwedeng mabuo ang pang-unawa natin. Magiging kumpiyansa tayong tanggihan ang mga palakaibigang alok na maaaring may natatagong espirituwal na peligro, kasi ang pagawain ng Dios na ginawa ayon sa paraan Niya, ay hindi mawawalan ng Kanyang pagtustos.