Minsan, inimbitahan ako ng aking kaibigan na maging tagapagsalita sa mga batang kababaihan sa isang pag-aaral tungkol sa kabanalan. Pero tumanggi ako. Noong kabataan ko kasi ay hindi naging maganda ang aking buhay dahil sa imoralidad. Nang ikasal ako at makunan sa aking unang anak, naisip ko na pinaparusahan ako ng Dios dahil sa mga dati kong kasalanan.
Nang isuko ko ang aking buhay kay Cristo noong tatlumpung taong gulang ako, paulit-ulit akong humingi ng tawad sa Dios. Pero hindi pa rin mapawi ang kalungkutan at kahihiyan na nararamdaman ko. Naisip ko tuloy, “Paano ko ibabahagi sa iba ang tungkol sa kagandahang-loob ng Dios kung hindi ko naman lubos na matanggap sa aking sarili ang dakilang pag- ibig sa akin ng Dios?” Mabuti na lamang sa pagdaan ng panahon ay pinawi ng Dios ang mga kasinungalingang nasa aking isipan. Dahil sa kagandahang-loob ng Dios, tinanggap ko rin sa wakas ang kapatawarang iniaalok sa akin ng Dios.
Nauunawaan ng Dios ang ating mga kapighatian at ang mga naging resulta ng ating mga nagawang kasalanan. Pero tinutulungan Niya tayo na mapagtagumpayan ang kalungkutan, talikuran ang ating mga kasalanan at mabuhay nang may pag- asa dahil sa Kanyang dakilang “pag-ibig”, “awa,” at “katapatan” (Panaghoy 3:19-23). Sinasabi sa Biblia na “ang Panginoon ay aking bahagi.” Siya ang ating pag-asa at kaligtasan at makakaasa tayo sa Kanyang kabutihan (Tal. 24-26).
Kung tatanggapin natin ang lubos na pag-ibig sa atin ng Dios, maipapahayag natin sa iba ang Magandang Balita ng Kanyang kagandahang-loob.