Matapos ang Pasko ng Pagkabuhay, nagkaroon ng maraming tanong ang aking limang taong gulang na anak tungkol sa muling pagkabuhay. Habang nagmamaneho ako, sumilip ang aking anak sa bintana at tinanong ako, “Tatay, kapag po ba muli na tayong bubuhayin ni Jesus, magiging buhay po ba talaga tayo o pakiramdam lamang natin na buhay tayo?”

Ang mga tanong tungkol sa muling pagkabuhay ay maaaring bumabagabag din sa ating isipan. Totoo bang papawiin ng Dios ang ating mga kalungkutan at karamdaman? Talaga bang bubuhayin Niya tayong muli? Tutuparin ba Niya talaga ang Kanyang mga pangako?

Inilarawan ni Apostol Juan na “bagong langit at bagong lupa” ang tiyak na mangyayari sa hinaharap (Pahayag 21:1). Sa Banal na Lungsod na iyon, ang Dios ay “makakapiling na [natin] at magiging Dios [natin]” (Tal. 3). Dahil sa tagumpay na nakamit ni Cristo, may kalakip na pangako ang ating hinaharap na “wala nang kalungkutan, iyakan o sakit. Sapagkat lumipas na ang dating kalagayan” (Tal. 4).

Samakatuwid, tunay na magiging buhay tayo sa ipinangakong hinaharap sa atin ng Dios. Buhay na buhay tayo roon at hindi maikukumpara dito ang magiging buhay natin sa langit.