Sa pagbibinata ng sikat na tagapagturo ng Biblia na si Charles Spurgeon, nahirapan siyang maniwala sa Dios at tila nakikipagbuno siya sa Dios. Lumaki siyang nagsisimba pero tila walang kahulugan sa kanya ang mga napapakinggan niyang aral. Nang minsang may malakas na bagyo, sumilong siya sa isang maliit na simbahan. Tila patungkol sa kanya ang napakinggan niyang sermon ng pastor. Sa pagkakataong iyon, nagtagumpay ang Dios sa pakikipagbuno at isinuko ni Charles ang buhay niya kay Jesus.
Isinulat ni Charles, “Bago ko pa man makilala si Cristo, kilala na Niya ako.” Ang totoo, nagsimula ang buhay natin kasama ang Dios bago pa man tayo maligtas. Sinabi ng sumulat ng Salmo na, “hinubog [ng Dios] ang aking mga nasa loob na bahagi at sa bahay-bata ng aking ina ako’y Iyong hinabi” (Salmo 139:13 ABAB).
Isinulat naman ni Apostol Pablo, “Ngunit sa awa ng Dios, bago pa man ako ipanganak, pinili na Niya ako at tinawag” (Galacia 1:15). Hindi rin tumitigil ang Dios na kumilos sa ating buhay kapag naligtas na tayo: “Ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ay Siyang magtatapos nito” (Filipos 1:6).
Patuloy na kumikilos sa ating buhay ang mapagmahal na Dios. Pinapalitan Niya ng pananampalataya ang pakikipagbuno natin sa Kanya. Nagsisimula pa lamang ang layunin Niya sa ating buhay: “Sapagkat ang Dios ang Siyang nagbibigay sa inyo ng pagnanais at kakayahang masunod nʼyo ang kalooban Niya (Filipos 2:13). Makakatiyak tayo sa mabuting gawa ng Dios sa ating mga buhay.