Habang pinag-iisipan kung bakit sobrang pinahahalagahan ng Dios ang pagiging mapagpakumbaba, naisip ni Teresa ng Avila ang sagot: “Dahil ang Dios ang pinakamataas na Katotohanan, at ang kapakumbabaan ay katotohanan ... Walang mabuti na bubukal mula sa atin. Mula iyon sa tubig ng biyaya, malapit sa kung saan nananatili ang kaluluwa natin gaya ng isang punong itinanim sa tabi ng ilog, at mula sa Araw na nagbibigay-buhay sa ating mga gawa.”
Sa huli ay sinabi ni Teresa na dahil sa pananalangin kaya naiaangkla natin ang sarili natin sa katotohanang iyon, kasi “ang buong pundasyon ng panalangin ay kapakumbabaan. Mas ibinababa natin ang ating sarili sa panalangin, mas itinataas tayo ng Dios.”
Kahawig ito ng nasa Santiago 4, kung saan nagbabala si Apostol Santiago tungkol sa nakasisirang kalikasan ng pagmamalaki at makasariling ambisyon, na kabaligtaran ng isang buhay na nakadepende sa biyaya ng Dios (Tal. 1-6). Ang tanging solusyon sa buhay na sakim, walang pag-asa, at tadtad ng problema, sabi niya, ay ang pagsisihan ang ating kasakiman kapalit ng biyaya ng Dios. O sa ibang salita, “magpakumbaba sa harapan ng Panginoon,” at may kasamang katiyakan na “itataas Niya kayo” (Tal. 10).
Kapag nag-uugat tayo sa tubig ng biyaya, makikita natin ang sarili natin na binibigyan ng nutrisyon ng “karunungang mula sa Dios” (3:17). Sa Kanya lang natin matatagpuan ang ating sarili na itinataas ng katotohanan.