Sa isang artikulo niya sa magasing The Atlantic, ikinuwento ng manunulat na si Arthur Brooks ang pagbisita niya sa National Palace Museum sa Taiwan. May nagtanong sa kanya, “Ano ang itsura ng isang obrang gagawin pa lang?” “Blangkong canvas,” tugon ni Brooks. Ngunit may ibang pagtanaw ang nagtanong, “Maaari ring may obra maestra na sa canvas; ipipinta na lang ito ng pintor upang maipakita ang ganda nito sa buong mundo.”

Kung susuriin ang Efeso 2:10, tinawag din tayong obra maestra ng Dios, o “pinakamahusay na gawa.” Hango ito sa Griyegong salitang poiēma, kung saan galing ang salitang poetry o panulaan. Samakatuwid, inihahalintulad tayo sa isang likhang-sining. Ngunit nadungisan tayo. “Itinuring kayong mga patay ng Dios dahil sa mga pagsuway ninyo at mga kasalanan” (TAL. 1). Subalit tulad ng sinabi ng nagtanong kay Brooks, hindi man nakikita sa kasalukuyan, nananatili tayong mga obra maestra. At ang Pintor, ang Panginoong Dios, ang magbibigay-buhay sa ating ganda. “Ngunit napakamaawain ng Dios...muli niya tayong binuhay” (TAL. 4-5).

Kaya’t sa pagdaan natin sa mga hamon ng buhay, alalahanin nating nagpapatuloy ang pagpinta ng ating Dakilang Pintor. Patuloy lang tayong magtiwala sa Kanya. Balang araw, lalabas din ang ating tunay na ganda. “Sapagkat ang Dios ang siyang nagbibigay sa inyo ng pagnanais at kakayahang masunod nʼyo ang kalooban niya” (FILIPOS 2:13).