Isang grupo ng mga mananaliksik ang nakaimbento ng kakaibang drone (isang uri ng makinang pinalilipad). Ginaya kasi ang mekanismo ng drone sa pakpak ng swift, isang uri ng ibon. Kilala ang ibong swift sa husay nitong lumipad. Kaya nitong liparin ang distansyang hanggang 145 kilometro kada oras. Kaya rin nitong lumigid nang matagal sa himpapawid, lumipad nang pabulusok, magbago ng direksyon nang ubod-bilis, at huminto sa isang iglap. Ngunit kakaiba man ang drone, aminado ang isa sa mga mananaliksik na hindi maihahalintulad ang mekanismo nito sa pakpak ng mga ibon. Sapagkat sadyang kahanga-hanga raw ang pagkakagawa sa bawat bahagi ng kanilang mga pakpak.
Tulad ng mga ibon, marami pang kahanga-hanga sa ating paligid na kapupulutan natin ng aral kung bibigyan natin ng pansin. Gaya ng mga langgam na nagtuturo sa ating mag-ipon. O kaya sa mga kuneho, na kakikitaan ng halaga ng matatag na tirahan. At pati sa mga balang, masasalamin natin ang lakas ng pagsasama-sama (KAWIKAAN 30:25-27).
Sapagkat nilikha sa pamamagitan ng karunungan ng Dios ang lahat ng nilalang (JEREMIAS 10:12). Sa katunayan, tuwing matatapos ang Kanyang paglikha, nasisiyahan ang Dios sa Kanyang gawa (GENESIS 1:4, 10, 12, 18, 21, 25, 31). At ang Dios na nagbigay ng pakpak sa mga ibon ay Siya ring Dios na nagbigay sa atin ng karunungan. Magagamit natin ito upang mamangha at matuto mula sa Kanyang kahanga-hangang mga gawa.