Sa kanyang librong The Great Influenza, isinalaysay ni John M. Barry ang 1918 flu epidemic (epidemya ng trangkaso) sa panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig. Ayon kay Barry, nagbabala na noon ang mga ekspertong maaaring magkaroon ng epidemya. Dahil ito sa libu-libong pulutong ng mga sundalong palipat-lipat ng lugar at nagsisiksikan saanman sila magpunta. Subalit hindi pinansin ang kanilang babala. Ipinagpatuloy pa rin ng mga lider ang giyera. Dahil dito, tinatayang nasa 50 milyon ang nangamatay sa sakit. Iba pa rito ang 20 milyong napatay sa gitna ng digmaan.

Patunay ang pangyayaring ito na hindi sapat ang kaalaman ng tao upang makaligtas tayo sa pangil ng kasamaan (KAWIKAAN 4:14-16). Sa katunayan, kahit malawak na ang kaalamang mayroon tayo, hindi pa rin ito sapat upang maiwasan nating makapanakit ng ibang tao. Hindi natin maiwasan “ang pamumuhay ng taong masama,” na paulit-ulit tayong isinasadlak sa “kadiliman.” Sa kabila ng lahat ng ating kaalaman, hindi pa rin natin lubusang maunawaan kung ano ang “dahilan ng [ating] pagbagsak” (TAL. 19).

Dahil dito, kailangan natin ng “karunungan at pang-unawa” (TAL. 5). Ang karunungan ang siyang magtuturo sa atin kung paano gamitin nang tama ang lahat ng uri ng kaalaman. At tanging sa Dios lamang nanggagaling ang karunungang ito. Hindi sapat ang ating kaalaman. Kailangan natin ng karunungang nagmumula sa Dios.