Minsan, nagulat ako sa bumungad sa akin nang buksan ko ang aming bintana. Wala akong makita kundi makapal na pader ng hamog. Ayon sa balita, “freezing fog” daw ito, na bihira sa aming lugar. Sinabi pa sa balitang mawawala raw ito makalipas ang isang oras at masisilayan na namin ang araw. Sinabi ko sa aking asawa na imposibleng mangyari iyon. Pero totoo nga, wala pang isang oras, unti-unting nawala ang hamog. Lumiwanag ang paligid at lumitaw ang bughaw na kalangitan.Tuloy, naisip ko ang pagtitiwala ko sa Dios sa gitna ng makakapal na hamog sa buhay. Tinanong ko ang asawa ko, “Nagtitiwala lang ba ako sa Dios kapag malinaw kong nakikita ang Kanyang ginagawa?”

Noong pumanaw naman si Haring Uzia ng Juda, ilang tiwaling pinuno ang naupo sa kapangyarihan. Nagtanong din noon si Propeta Isaias kung sino ang dapat nilang pagtiwalaan. Tumugon ang Dios sa pamamagitan ng isang nakapangingilabot na pangitain. Nakumbinsi si Isaias na maaasahan niya ang Dios. Habang nagpupuri si Isaias, sinabi niya, “Panginoon, bigyan Nʼyo nang lubos na kapayapaan ang taong kayo lagi ang iniisip dahil nagtitiwala siya sa Inyo” (ISAIAS 26:3). Sinabi pa niya, “Magtiwala kayong lagi sa Panginoon, dahil Siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman (TAL. 4).

Kapag nakatuon sa Dios ang ating isipan, kakayanin nating magtiwala sa Kanya kahit sa malalabo at madidilim na panahon ng buhay. Hindi man natin ngayon nakikita ang pagkilos ng Dios, makakatiyak naman tayong darating ang pagtulong Niya sa tamang oras.