Sobrang saya ko nang makahanap ako ng perpektong regalo para sa biyenan ko. May birthstone pa itong tugma sa kanyang kapanganakan! Nakakataba ng puso kapag nakakita ka ng angkop na regalo para sa isang tao. Pero paano kung hindi natin kayang ibigay ang regalong kailangan nila? Marami sa atin ang nagnanais na maibigay sa isang tao ang kapayapaan, kapahingahan, o pasensya. Kung puwede lang sanang bilhin at ibalot iyon na may laso pa!

Imposibleng ibigay natin sa iba ang ganitong klaseng regalo. Pero ipinagkakaloob ni Jesus ang isang “imposibleng” regalo sa mga nagtitiwala sa Kanya: ang lubos na kapayapaan. Bago umakyat si Jesus sa langit at iniwan ang mga disipulo, pinalakas Niya ang kanilang loob. Ipinangako Niya na darating ang Banal na Espiritu: “Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala sa inyo ng lahat ng mga sinabi Ko sa inyo” (JUAN 14:26). Ibinibigay ni Jesus ang Kanyang kapayapaan upang magkaroon tayo ng kakayanang mapagtagumpayan ang takot at pag-aalala. Si Jesus mismo ang ating kapayapaan—sa Dios, sa ating kapwa, at sa ating sarili.

Hindi natin kayang ibigay sa ating mga mahal sa buhay ang dagdag na pasensya o mas mabuting kalusugan. Wala rin tayong kakayahang ibigay ang kapayapaang lubos nilang kinakailangan sa panahong humaharap sila sa pagsubok ng buhay. Pero maaari tayong gabayan ng Banal na Espiritu na ipakilala si Jesus sa kanila—ang nagbibigay at mismong simbolo ng tunay at walang hanggang kapayapaan.