Narinig mo na ba ang The Sewing Hall of Fame? Itinatag ito noong 2001 upang bigyang-pugay ang mga may “pangmatagalang ambag sa industriya ng pananahi.” Kasama rito si Martha Pullen, na pinarangalan noong 2005. Inilarawan si Martha bilang isang babaeng sumasalamin sa Kawikaan 31. Hindi rin siya nakalimot na kilalanin ang pinagmumulan ng kanyang lakas, inspirasyon, at pagpapala.

Kung may The Sewing Hall of Fame na noong unang siglo sa Israel, tiyak na pasok si Tabita na nabanggit sa Biblia. Isang nagtitiwala kay Jesus si Tabita. Bilang mananahi, gumugol siya ng oras para ipagtahi ang mga mahihirap na balo sa kanilang komunidad (GAWA 9:36, 39). Nang nagkasakit at namatay siya, ipinatawag ng mga disipulo si Apostol Pedro. Nang dumating si Pedro, ipinakita sa kanya ng mga umiiyak na balo ang mga damit at balabal na tinahi ni Tabita para sa kanila (TAL. 39). Ebidensya ang mga damit na iyon ng kanyang “laging paggawa ng mabuti” para sa mga nangangailangan sa kanilang lungsod (TAL. 36). Sa kapangyarihan ng Dios, muling nabuhay si Tabita.

Hinihikayat tayo ng Dios at binibigyan ng kakayahan upang gamitin ang ating mga talento para tugunan ang mga pangangailangan ng ating komunidad at mundo. Ialay natin ang ating mga kakayahan sa paglilingkod kay Jesus at pagbulayan kung paano Niya gagamitin ang ating mga buhay para maipahayag ang Kanyang pagmamahal sa iba (EFESO 4:16).