Mahilig mag-camping ang tatay ko. Gusto rin niyang mangisda at mangolekta ng iba’t ibang uri ng bato. Gustung-gusto rin niyang magtrabaho sa kanyang bakuran at hardin. Gumugugol siya ng oras sa paghuhukay, pagtatanim ng buto, pagbubunot ng damo, at pagdidilig ng halaman. Pero sulit naman ang mga resulta—magandang bakuran, masasarap na kamatis, at magagandang rosas. Taon-taon, pinuputol niya ang mga rosas. Muli namang tumutubo ang mga ito para humalimuyak muli ang kanilang mababangong bulaklak.

Sa Aklat ng Genesis ng Biblia, mababasa natin ang tungkol sa hardin ng Eden. Namuhay sa lugar na iyon sina Adan at Eba kasama ang Dios. Sa hardin na iyon, “Pinatubo ng Panginoong Dios ang lahat ng uri ng puno na magagandang tingnan at may masasarap na bunga” (GENESIS 2:9). Iniisip ko, marahil ang perpektong hardin na iyon ay puno rin ng magagandang bulaklak na mabango—baka pati nga rosas, walang tinik!

Ngunit pagkatapos sumuway at magkasala sina Adan at Eba laban sa Dios, pinalayas sila mula sa hardin. Dahil doon, para mabuhay, kinailangan nilang magbungkal ng lupa, magtanim, mag-alaga ng sarili nilang mga taniman, at iba pang hamon sa buhay (GENESIS 3:17-19, 23-24). Pero, patuloy pa rin silang tinulungan ng Dios (TAL. 21). Hindi rin Niya iniwan ang sangkatauhan nang wala ang kagandahan ng Kanyang mga nilikhang nagbibigay sa atin ng dahilan upang malamang mayroong makapangyarihang Dios (ROMA 1:20). Ang mga bulaklak naman sa hardin ay nagpapaalala sa atin ng patuloy na pagmamahal ng Dios at ng Kanyang pangakong muli Niyang lilikhain ang isang mundong magbibigay sa atin ng pag-asa at kaaliwan.