Noong 1892, isang residenteng may sakit na kolera ang hindi sinasadyang makahawa ng sakit sa Ilog Elbe na siyang buong suplay ng tubig sa Hamburg, Germany. Sampung libong mamamayan ang namatay. Walong taon bago nito, nadiskubre ng doktor na si Robert Koch na naipapasa ang kolera sa pamamagitan ng tubig. Dahil dito, naglaan ang malalaking lungsod sa Europa ng pondo para sa mga filtration system o mga pangsala ng dumi sa tubig. Gayunpaman, walang ginawa ang mga awtoridad ng Hamburg. Binanggit nila ang mataas na gastos at tinawag na di-kapanipaniwala ang agham. Binalewala nila ang malinaw na babala, kaya tumungo ang kanilang lungsod sa sakuna.
Maraming sinasabi ang Aklat ng Kawikaan tungkol sa mga taong nakakakita ng panganib ngunit hindi kumikilos. “Ang taong marunong ay umiiwas sa paparating na panganib” (27:12). Kapag tinutulungan tayo ng Dios na makita ang panganib sa hinaharap, natural lang na maghanda tayo. Matalino tayong nagbabago ng direksyon o naghahanda gamit ang mga wastong hakbang na inihahanda Niya para sa atin. Pero kailangan nating may gawin. Ang wala tayong gawin ay kahangalan. Maaari tayong magbulag-bulagan sa mga babala at magpatuloy hanggang sa sakuna. “Ang taong hangal ay sumusuong sa panganib, kaya siya ay napapahamak” (TAL. 12).
Sa Kasulatan at sa buhay ni Jesus, ipinapakita ng Dios ang tamang landas na dapat nating sundan. Binibigyan Niya rin tayo ng babala sa mga panganib na haharapin natin. Kung magiging hangal tayo, magpapatuloy tayo sa kapahamakan. Sa halip, habang inaakay Niya tayo sa Kanyang biyaya, nawa’y sundin natin ang Kanyang karunungan at magbago ng landas.