Hindi tinutulungan ng Dios ang mga umaasa sa kanilang sarili; tinutulungan Niya ang mga nagtitiwala at umaasa sa Kanya. Napagtanto ito ni Jonathan Roumie noong Mayo 2018. Si Roumie ang aktor na gumaganap bilang Jesus sa seryeng The Chosen. Bago iyon, walong taon nang nakatira si Roumie sa Los Angeles. Halos wala na siyang pera, para sa araw na iyon lang ang pagkain niya, at wala siyang trabaho. Hindi niya alam kung paano siya mabubuhay, kaya ibinuhos niya ang laman ng kanyang puso at isinuko ang kanyang karera sa Dios. “Literal kong ipinanalangin na, ‘Sumusuko na ako. Sumusuko na ako.’” Sa araw ding iyon, nakatanggap siya ng apat na tseke. Tatlong buwan matapos iyon, nakuha niya ang papel na Jesus sa The Chosen. Napatunayan ni Roumie na tumutulong ang Dios sa mga nagtitiwala sa Kanya.

Sa halip na mainggit at mabahala sa mga “masasama” (SALMO 37:1), inaanyayahan tayo ng salmista na isuko ang lahat sa Dios. Kapag isinaayos natin ang ating mga pang-araw-araw na gawain sa Kanya, “magtiwala...sa ᴘᴀɴɢɪɴᴏᴏɴ,” “gumawa ng mabuti,” at “sa [Kanya] hanapin ang kaligayahan” (TAL. 3-4), at isinuko sa Kanya ang lahat ng ating mga kagustuhan, problema, at alalahanin, gagabayan tayo ng Dios at bibigyan ng kapayapaan (TAL. 5-6). Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, mahalaga na Siya ang magtakda ng kung ano ang dapat mangyari sa ating buhay.

Isuko natin ang lahat at magtiwala sa Dios. Habang ginagawa natin ito, kikilos Siya at gagawin ang nararapat at pinakamabuti para sa atin.