Ang mga patakaran sa restawran sa lugar na aking kinagisnan ay sumasalamin sa sistema ng lipunan at pagkakaiba ng lahi noong huling bahagi ng 1950s at unang bahagi ng 1960s. Mga Itim ang kulay ng balat ng mga nasa kusina gaya ni Mary na nagluluto, pati na ang mga tagahugas ng pinggan na tulad ko. Samantalang mga Puti naman ang mga kumakain sa loob ng restawran. Puwedeng umorder ang mga Itim, pero kailangang kunin nila ang kanilang pagkain sa likurang pintuan. Bagama’t marami nang napagtagumpayan mula noon, marami pa ring kailangang baguhin sa ating pakikitungo sa isa’t isa bilang mga taong nilikha sa wangis ng Dios.
Ipinapakita ng mga talata sa Biblia tulad ng Roma 10:8–13 na malugod na tinatanggap ang lahat sa pamilya ng Dios—walang likurang pintuan dito. Iisa lamang ang daan o paraan upang maligtas ang isang tao sa kaparusahan sa kasalanan, at ito’y sa pamamagitan ng pagtitiwala sa ginawa ng Panginoong Jesus. Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay para linisin at patawarin tayo sa lahat ng ating mga kasalanan. At naliligtas ang lahat sa kagandahang-loob na ito ng Dios (TAL. 9, 13). Walang kinalaman sa pagtanggap ng Dios ang ating estado sa lipunan o lahi. “Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi mabibigo ang sinumang sumasampalataya sa [Dios].’ At ang pangakong itoʼy para sa lahat dahil walang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio. Ang Panginoon ay Panginoon ng lahat, at pinagpapala Niya nang masagana ang lahat ng tumatawag sa Kanya” (TAL. 11–12). Kung magtitiwala ka nang buong puso sa mensahe ng Biblia tungkol kay Jesus, malugod ka nang tinatanggap sa pamilya ng Dios!
ISANG PINTUAN PARA SA LAHAT
Basahin: ROMA 10:8–13 | Para mabasa ang Biblia sa loob ng isang taon: JEREMIAS 6–8; 1 TIMOTEO 5
Sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa Panginoon.” - ROMA 10:13
Dios Ama, nagagalak ang aking puso dahil minahal Mo ang mundo kaya ipinadala Mo si Jesus.
Anong ebidensya ang makikita sa iyong buhay na nagpapakitang naniniwala ka sa mensahe ng Biblia tungkol sa iniaalok ni Jesus na kaligtasan mula sa kaparusahan sa kasalanan?
Our Daily Bread Topics:
Pagkaing Espirituwal
