Ang Marshall Fire ang pinakamapaminsalang sunog sa kasaysayan ng Colorado sa Amerika. Matapos ang trahedya, isang grupo ang nag-alok ng tulong sa mga nasunugan. Layon nilang tingnan kung may maisasalba pang gamit mula sa mga abo. Isa sa mga tinulungan nila ang isang lalaking hinahanap ang wedding ring na itinago niya sa aparador. Sinubukan nilang maghanap sa lugar kung saan nakapuwesto ang aparador ng lalaki. Pero dahil halos naabo na ang buong bahay, wala silang nakita.

Kung naranasan na nating mawala ang lahat sa atin, na para bang naabo ang lahat ng pinaghirapan nating buuin, maganda ang mensaheng hatid ni Propeta Isaias. Isinulat niya ang napipintong pagkawasak ng bayan ng Jerusalem. Pero ayon sa kanya, may pag-asa dahil “Sinugo [siya ng Dios] para aliwin ang mga sugatang- puso...at ang mga nalulungkot” (ISAIAS 61:1-2). Kayang gumawa ng himala ng Dios mula sa trahedya: “maglalagay sila ng langis o ng koronang bulaklak sa kanilang ulo bilang tanda ng kaligayahan” (TAL. 3). Pangako rin ng Dios na “Muli nilang itatayo ang kanilang mga lungsod na matagal nang nagiba” (TAL. 4).

Balikan natin ang kaganapan sa Marshall Fire. May isang babae na hindi sumuko sa paghahanap. Nagtungo siya sa kabilang banda ng bahay, at doon natagpuan niya ang wedding ring ng lalaki. Gayundin naman, walang sawa ang Dios sa pagkilos maging sa gitna ng mga abo at trahedya. Inaabot Niya tayo sa gitna ng ating pagdurusa dahil mahalaga tayo sa Kanya.