Sa sikat na palabas na Hamilton, nakakatawa at kontrabida ang pagganap sa karakter ni King George III ng England. Ngunit sa isang bagong lathalang talambuhay niya, hindi siya ipinakita bilang isang mapang-aping lider. Kung isa raw siyang masamang lider, mariin niya sanang tinutulan ang pagnanais ng Amerika na lumaya mula sa England. Pero hindi. “Disente at mabait” kasi si King George.
Walang nakaaalam kung puno ba ng pagsisisi si King George nang pumanaw siya. Naging mas matagumpay kaya ang paghahari niya kung naging mas mabagsik siya?
Sa Biblia naman, mababasa natin ang paghahari ni Haring Jehoram. Nang maitatag na ang kaharian niya, “ipinapatay niya ang lahat ng kanyang kapatid, pati ang ibang mga opisyal ng Juda” (2 CRONICA 21:4). Dagdag pa ng Biblia, “Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon” (TAL. 6). Dahil dito, malayo ang loob ng mga nasasakupan niya sa kanya. Sa katunayan, wala man lang umiyak o “nagsindi ng apoy” para sa kanya nang mamatay siya (TAL. 19).
Hindi nagkakasundo ang mga historyador kung naging mabagsik o hindi si King George. Pero siguradong naging mabagsik si Haring Jehoram. Buti na lang may isang Hari na “puspos...ng biyaya at pawang katotohanan” (JUAN 1:14). Siya si Jesus. Puno Siya ng katuwiran, ngunit puno rin Siya ng habag. At tinatawag Niya tayo upang magtiwala sa Kanya at sumunod sa Kanya.
