Nangarap ka na bang makakuha ng isang bagay na mataas ang halaga mula sa isang garage sale o ukayan? Nangyari iyan sa Connecticut sa bansang Amerika. Isang antigong mangkok ang nabili doon sa halagang $35. Pero napag-alamang mahalagang artifact pala ito sa kasaysayan na mula sa ika-labinlimang siglo. Kaya naibenta ito sa isang subasta sa halagang $700,000. Paalala ito sa atin na may mga bagay na inaakala nating walang halaga, pero mataas pala ang halaga.
Nang sumulat si Apostol Pedro sa mga nagtitiwala kay Jesus, ipinaliwanag niyang marami ang piniling itakwil si Jesus. Hinamak Siya ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipinako naman Siya sa krus ng mga Romano. At marami ang nangmaliit kay Jesus dahil hindi tulad Niya ang inaasahan nilang magliligtas sa kanila. Pero kahit hindi nila nakita ang tunay na halaga ni Jesus, “pinili [Siya] ng Dios at mahalaga sa paningin niya” (1 PEDRO 2:4). Para naman sa mga nagtitiwala sa Kanya, higit sa ginto at pilak ang Kanyang halaga (1:18-19). Makasisiguro rin tayo na hindi mapapahiya ang sinumang pipiliing magtiwala sa Kanya (2:6).
Marami ang piniling balewalain ang halaga ni Jesus. Tulungan nawa tayo ng Banal na Espiritu na makita ang tunay na halaga Niya, pati ng regalo ng buhay na iniaalok Niya. Sapagkat iniimbitahan Niya tayong lahat upang maging bahagi ng pamilya ng Dios (TAL. 10).
