Matagal nang maraming naiirita kay John sa simbahan. Mabilis kasi siyang magalit, mayabang, at gusto laging nasusunod. Marami rin siyang mga reklamo tungkol sa mga nagboboluntaryo sa simbahan. Sa totoo lang, hindi siya madaling mahalin.
Kaya nang nalaman kong may kanser siya, nahirapan akong manalangin para sa kanya. Naalala ko kasi ang masasakit na salita niya. Pero inalala ko ang tagubilin ni Jesus na magmahal. Ipinanalangin ko si John araw-araw. Hindi nagtagal, napansin kong sa halip na ang masamang ugali niya, ang kalagayan niya ang naiisip ko. Siguro malalim ang kirot sa puso niya. Baka gulong gulo siya ngayon dahil sa pinagdaraanan niya.
Natutunan kong nagbibigay daan pala ang pananalangin para mabuksan ang ating damdamin sa Dios. Nagkakaroon tayo ng tamang pananaw at perspektibo. Sa pagsuko natin ng ating kagustuhan at damdamin sa Dios, binibigyan natin ang Banal na Espiritu ng laya para baguhin ang puso natin. Kaya nga kaakibat ang panalangin sa tagubilin ni Jesus na mahalin natin ang mga kaaway natin: “Ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo” (LUCAS 6:28 ABAB).
Inaamin kong may mga pagkakataong nahihirapan pa rin akong isipin ang kapakanan ni John. Pero sa tulong ng Banal na Espiritu, natututunan kong makita siya ayon sa mata at puso ng Dios: isang taong kailangang patawarin at mahalin.
