Kapag iniisip natin ang mga pinakamainam na kasanayan sa negosyo, malamang hindi agad papasok sa isip natin ang kabutihan at pagiging mapagbigay. Pero ayon sa negosyanteng si James Rhee, dapat itong kasama. Sa karanasan ni Rhee bilang CEO o tagapanguna ng isang kumpanya, ang pagpapahalaga sa “mabuting kalooban” ang nagligtas at nagdala sa kanilang kumpanya sa pag-unlad. Sa pamamagitan ng mga katangiang ito, nagkaroon ang mga tao ng pag-asa at inspirasyong magkaisa, magsimula ng mga pagbabago, at maghanap ng solusyon sa problema. Ayon kay Rhee, ang “mabuting kalooban…ay tunay na yamang lumalago at lumalakas.”

Sa pang-araw-araw na buhay, madalas nating isiping pandagdag lamang sa ating iba pang prayoridad ang mga katangiang tulad ng kabaitan. Ngunit ayon kay Apostol Pablo, ito ang may pinakamataas na halaga. Sa sulat niya sa mga bagong nagtitiwala kay Jesus, binigyang-diin ni Pablo na ang layunin ng kanilang buhay ay ang mabago sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at maging ganap na mga bahagi ng katawan ni Cristo (EFESO 4:15). Sa layuning ito, may halaga lamang ang bawat salita at kilos kung nakakapagpatatag at nakabubuti ito sa iba (TAL. 29). Maaaring mangyari ang pagbabagong mula kay Jesus kung uunahin ang kabaitan, malasakit, at pagpapatawad sa araw-araw (TAL. 32).

Kapag inilalapit tayo ng Banal na Espiritu patungo sa iba pang nagtitiwala kay Jesus, lumalago tayo at nagiging ganap sa ating pagkakatuto mula sa isa’t isa.