Dumating si Dan Gill, siyam na taong gulang, kasama ang matalik niyang kaibigang si Archie sa kaarawan ng kaklase nila. Ngunit nang makita ng ina ng may kaarawan si Archie, hindi niya ito pinapasok. “Walang sapat na upuan,” ang sabi niya. Nag-alok si Dan na siya na lang ang uupo sa sahig para may lugar si Archie, na may lahing Itim, ngunit ayaw pa ring pumayag ng ina. Malungkot na iniwan ni Dan ang kanilang regalo at umuwi kasama si Archie.
Makalipas ang maraming taon, guro na si Dan at may isa siyang bakanteng upuan sa kanyang silid-aralan. Kapag tinatanong siya ng mga estudyante kung bakit, paalala niya itong “laging may lugar dito para sa kahit sino.”
Makikita ang pagiging bukas-puso para sa lahat sa mapagpalayang paanyaya ng Panginoong Jesus: “Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan Ko kayo ng kapahingahan” (MATEO 11:28). Tila salungat ito sa saklaw ng ministeryo ni Jesus na “una ang mga Judio” (ROMA 1:16). Ngunit para sa lahat ng sumasampalataya sa Kanya ang kaligtasan: “At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid” (ROMA 3:22).
Nagagalak tayo sa paanyaya ni Cristo sa lahat: “Sundin ninyo ang mga utos ko at matuto kayo sa akin, dahil mabait ako at mababang-loob. Makakapagpahinga kayo” (MATEO 11:29). Para sa lahat ng naghahanap ng kapahingahan, naghihintay ang bukas na puso ng Panginoong Jesus.
