Noong 1951, pinayuhan ng doktor si Joseph Stalin na bawasan ang trabaho upang mapangalagaan ang kanyang kalusugan. Ngunit tinuligsa ng pinuno ng Soviet Union ang doktor. Inakusahan niya ito bilang espiya at ipinakulong. Bilang isang malupit na lider, ginamit ni Stalin ang kasinungalingan upang pahirapan ang marami. Kaya naman hindi niya kinayang tanggapin ang katotohanan. Inalis niya ang taong nagsabi ng totoo sa kanya. Ngunit sa huli, nagtagumpay pa rin ang katotohanan. Namatay si Stalin noong 1953.
Nagsabi rin si propetang Jeremias ng buong katotohanan sa hari ng Juda na si Zedekia, at ikinulong siya dahil sa kanyang mga babala tungkol sa mangyayari sa Jerusalem (JEREMIAS 38:1–6; 40:1). “Kung susundin n’yo lang ang Panginoon,” sabi niya kay Haring Zedekia (38:20). Kung hindi ka susuko sa hukbong nakapalibot sa lungsod, lalo lamang magiging malala ang sitwasyon. “Dadalhin po nila ang lahat ng asawa’t anak n’yo sa Babilonia,” babala ni Jeremias. “Kayo po ay hindi rin makakatakas sa kanila” (TAL. 23).
Hindi pinansin ni Zedekia ang katotohanang ito. Kinalaunan, nahuli siya ng mga taga Babilonia, pinatay ang lahat ng kanyang mga anak, at sinunog ang lungsod (KAB. 39).
Sa isang banda, kahalintulad tayo kay Zedekia sa ganitong sitwasyon. Nakulong tayo sa buhay na makasalanan at mga maling desisyon. Kadalasan, lalo pa nating pinalalala ang sitwasyon sa pag-iwas sa mga nagsasabi ng katotohanan tungkol sa atin. Kailangan lamang nating sumuko sa kalooban ng Siyang nagsabing, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makararating sa Ama kung hindi sa pamamagitan Ko” (JUAN 14:6).
