Nang matuklasan ni Elaine na mayroon siyang malubhang kanser, alam na nila ng asawa niyang si Chuck na hindi na magtatagal bago makapiling ni Elaine si Jesus. Pinanghawakan nilang mag-asawa ang pangako sa Salmo 23 na sasamahan sila ng Dios habang naglalakbay sila sa pinakamalalim at pinakamahirap na lambak sa kanilang limampu’t apat na taong pagsasama. Nagkaroon sila ng pag-asa sa katotohanang handa na si Elaine na makapiling si Jesus dahil matagal na niyang inilagak ang kanyang pagtitiwala sa Kanya.

Sa pag-alala sa kanyang asawa, ibinahagi ni Chuck na patuloy pa rin siyang naglalakbay sa “madilim na libis ng kamatayan” (SALMO 23:4). Nagsimula na ang buhay ng kanyang asawa sa langit. Ngunit nananatili pa rin siya at ang iba pang nagmamahal kay Elaine sa “madilim na libis ng kamatayan.”

Habang naglalakbay tayo sa “madilim na libis ng kamatayan, saan tayo maaaring humugot ng liwanag? Ipinahayag ni Apostol Juan na “Ang Dios ay liwanag at sa kanya ay walang anumang kadiliman” (1 JUAN 1:5). Sinabi rin ni Jesus sa Juan 8:12, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumunod sa akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay.”

Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, “namumuhay [tayo] sa liwanag na nagmumula sa [Kanya]” (SALMO 89:15). Ipinangako ng Dios na lagi Siyang sasaatin at magiging ating liwanag kahit na sa ating paglalakbay sa pinakamadidilim na mga libis.