Ilang taon na ang nakalipas mula nang bumisita ang pamilya namin sa Four Corners, ang tanging lugar sa Amerika kung saan nagtatagpo ang apat na estado sa isang lugar. Tumayo ang aking asawa sa bahagi ng Arizona. Tumalon naman ang panganay naming anak na si A.J. sa Utah. Ang bunso naming si Xavier, hawak ang aking kamay, ay lumakad papuntang Colorado. Nang lumipat ako sa New Mexico, sabi ni Xavier, “Nay, hindi ako makapaniwalang iniwan mo ako sa Colorado!” Habang naririnig ang aming tawanan sa apat na iba’t ibang estado, magkakasama kami pero magkakahiwalay rin. Ngayong may kanya-kanya nang tahanan ang aming mga anak, mas nauunawaan ko ang pangako ng Dios na lagi Siyang malapit sa lahat, saan man sila magpunta.

Pagkatapos mamatay ni Moises, tinawag ng Dios si Josue upang manguna. Ipinangako ng Dios ang Kanyang pagsama habang pinalalawak ang teritoryo ng Israel (JOSUE 1:1–4). Sinabi ng Dios, “Sasamahan kita gaya ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita iiwan o kaya’y pababayaan” (TAL. 5). Alam ng Dios na haharap si Josue sa pag-aalinlangan at takot bilang bagong lider ng Kanyang bayan. Kaya binigyan Niya si Josue ng pundasyon ng pag-asa sa mga salitang ito: “Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo kahit saan ka pumaroon” (TAL. 9).

Saan man tayo dalhin ng Dios o ang ating mga mahal sa buhay, kahit sa mga mahihirap na panahon, makaaasa tayo sa Kanyang pangakong lagi Siyang nariyan.