Isa sa masasayang tradisyon tuwing Pasko ang bigayan ng mga regalo. Madalas may nag-iikot pang Santa Claus na nagreregalo sa mga bata. Ayon sa tradisyon, hango ang karakter na Santa Claus sa buhay ni Nikolas, isang lingkod ng Dios sa Turkey noong ikaapat na siglo. Bata pa siya nang mamatay ang kanyang mga magulang kaya’t kinupkop siya ng tiyuhin niya, na siyang nagturo sa kanyang sumunod sa Dios. Dahil sinabi ni Jesus na tumulong sa kapwa, nilaan ni Nikolas ang buhay at yaman niya sa paggawa ng kabutihan. Ayon sa kuwento, minsan, nalaman ni Nikolas ang masaklap na kasasapitan ng tatlong magkakapatid na babae dahil wala silang sapat na dote at bigay-kaya para sa kasal. Kaya binigyan niya ang bawat isa ng sako ng ginto. Isa lang ito sa maraming kuwento ng kanyang pagtulong.

Bunga ng pag-ibig kay Jesus ang kagandahang-loob ni Nikolas. Alam niyang sa pagbibigay ni Cristo ng Kanyang sarili, ibinigay Niya rin ang pinakamahalagang handog sa tao: ang Dios. Si Jesus ang “Dios na kasama natin” (MATEO 1:23). Hatid Niya sa atin ang regalo ng buhay at kaligtasan mula sa kasalanan (TAL. 21).

Nagkakaroon ng pusong mapagbigay ang mga nagtitiwala sa Dios. Tumutulong kahit may sakripisyo, at masaya dahil alam nilang hindi magkukulang ang Dios. Ngayong kapaskuhan, isipin nating halimbawa ang pagbibigay ni Nikolas. Pero higit sa kanya, isipin natin ang dakilang pagbibigay ng Dios.