Nang isinulat ng Amerikanong manunulat na si O. Henry ang kuwentong pamasko na “The Gift of the Magi” noong 1905, humaharap siya sa mga pansariling problema. Gayunpaman, naisulat niya ang isang nakakapagpalakas ng loob na kuwentong nagtatampok ng isang napakagandang katangian ni Cristo—ang pagsasakripisyo. Sa kuwento, may mahirap na babae ang nagbenta ng kanyang maganda at mahabang buhok sa bisperas ng Pasko upang makabili ng gintong kadena para sa relo ng kanyang asawa. Ang hindi niya alam, ibinenta ng kanyang asawa ang relo niya upang makabili ng mga suklay para sa kanyang magandang buhok. Ano ang kanilang pinakamagandang regalo sa isa’t isa? Sakripisyo. Ipinakita ng bawat isa ang kanilang dakilang pagmamahal.
Naalala ko tuloy ang pagbibigay ng regalo ng mga pantas para sa sanggol na si Cristo (MATEO 2:1, 11). Ngunit higit pa sa mga regalong iyon ang hatid na regalo ni Jesus nang ialay Niya ang Kanyang buhay para sa buong mundo.
Sa ating araw-araw na buhay, bilang mga nagtitiwala kay Cristo, maaari nating ipakita ang Kanyang dakilang kaloob sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng oras, kayamanan, at ugaling nagpapakita ng pagmamahal. Sinabi naman ni Apostol Pablo, “Nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa maraming pagkakataong kinaawaan tayo ng Dios, ibigay ninyo sa Kanya ang inyong mga sarili bilang mga handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa kanya” (ROMA 12:1). Walang mas magandang regalo kundi ang magsakripisyo para sa iba sa pamamagitan ng pag-ibig ni Jesus.
