Nag-aaral ako noon sa ibang bansa. Minsan, napansin kong tila malayo ang loob sa akin ng isang kaklase. Nang tanungin ko kung nasaktan ko siya sa anumang paraan, tumugon siya, ‘Hindi naman...At iyon nga ang problema ko. Napatay ang aking lolo sa digmaan, at dahil dito, matinding galit ang naramdaman ko sa mga tao mula sa bansa ninyo. Ngunit ngayon, nakikita ko kung gaano karami ang pagkakapareho natin. Ikinagulat ko iyon. Hindi ko ngayon makita kung bakit hindi tayo puwedeng maging magkaibigan.’

Hindi na bago ang prejudice, o ang walang batayang paghusga o pagkiling laban sa isang tao o grupo ng tao. Dalawang libong taon na ang nakararaan, nang unang marinig ni Natanael ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, maliwanag ang kanyang panghuhusga: “May mabuti bang nanggagaling sa Nazaret?” (JUAN 1:46). Bagama’t nakatira si Natanael sa Galilea tulad ni Jesus, inakala niyang magmumula sa ibang lugar ang Tagapagligtas ng Dios. Dahil kahit maging ang mga taga-Galilea, tinitingnan ang Nazaret bilang isang payak na nayon.

Maliwanag ang isang bagay. Kahit na ganoon ang naging salita ni Natanael, hindi nito napigilan si Jesus upang mahalin siya. Sa huli, nabago si Natanael at naging disipulo ni Jesus. “Guro, kayo nga ang Anak ng Dios!” ipinahayag ni Natanael kalaunan (TAL. 49). Walang anumang maling pagkiling ang makakapigil sa mapagbago at mapagtagumpay na pagmamahal ng Dios.