Noong pandemya ng COVID-19, ilang buwang naghanap ng simbahang madadaluhan sina Dave at Carla. Dahil sa mga panuntunang pangkalusugang naglilimita sa mga sama-samang pagtitipon, lalo silang nahirapan. “Mahirap makahanap ng simbahan,” sabi ni Carla sa kanyang email sa akin. Tugon ko naman sa kanya, “Ito ang panahon upang tayo ang maging simbahan.” Sa panahong iyon, kumilos ang aming simbahan upang mag-alok ng pagkain sa mga kapitbahay namin. Nagkaroon rin ng mga online na pagsamba, at kinumusta at ipinanalangin ang iba sa pamamagitan ng pagtawag. Nakibahagi kaming mag-asawa sa mga ito, pero napaisip kami kung ano pa ang aming magagawa upang “maging simbahan.”

Sa Hebreo 10:25, pinayuhan ng may-akda ang mga mambabasa na “huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa.” Marahil, dahil sa mga pag-uusig (TAL. 32-34) o panghihina (12:3), kinailangan pa silang paalalahanan upang manatili sa “pagiging simbahan.”

Kailangan din natin ang paalalang ito ngayon. Sa gitna ng mga pagbabago, nakakapagpatuloy pa ba tayo hindi lamang sa pagdalo sa simbahan, kundi upang maging simbahan? Maging malikhain tayo sa pagpapalakas ng loob ng isa’t isa sa gabay ng Dios. Ibahagi natin ang anumang mayroon tayo at gawin ang makakaya para sa isa’t isa. Tayo ang maging simbahan.