Mahigpit ang budget ni Ellen, kaya natuwa siyang makatanggap ng Christmas bonus. Sapat na iyon. Ngunit nang ideposito niya ang pera, nakatanggap siya ng isa pang sorpresa. Sinabi ng teller na bilang pamaskong regalo, nagdeposito ang bangko ng pambayad niya sa mortgage para sa buwan ng Enero. Ngayon, makakapagbayad na sila ni Trey ng iba pang mga bayarin at makakapagbigay rin ng sorpresa sa iba para sa Pasko!

May paraan ang Dios upang pagpalain tayo nang higit pa sa ating inaasahan. Naranasan ito ni Naomi. Puno siya ng hinanakit sa pagkamatay ng kanyang asawa at mga anak (RUTH 1:20–21). Ngunit naligtas siya mula sa kanyang desperadong sitwasyon. Pinakasalan ng kamag-anak niyang si Boaz ang manugang niyang si Ruth, at nagbigay ng tahanan para sa kanilang dalawa (4:10).

Sapat na iyon sa inaasahan ni Naomi. Ngunit pagkatapos, pinagpala ng Dios sina Ruth at Boaz ng anak. Ngayon, mayroon nang apo si Naomi: “Palalakasin at aalagaan ka niya kapag matanda ka na” (TAL. 15). Sapat na rin sana iyon. Ngunit nang malaki na ang kanyang apong si Obed, naging anak niya si Jesse, “at si Jesse ang naging ama ni David” (TAL. 17). Napabilang si Naomi sa linya ni David, ang pinakamahalagang dinastiya sa kasaysayan! Muli, sapat na rin sana iyon. Subalit kalaunan, naging ninuno si David…ni Jesus.

Gaya ni Naomi, wala tayong kahit ano. Ngunit kung magtitiwala tayo kay Cristo, tutubusin Niya tayo. At ngayong tinanggap na tayo ng ating Ama, pinagpapala Niya tayo upang pagpalain din ang iba. Iyon ay higit pa sa sapat!