Lumaki si Anne sa hirap at sakit. Sa edad na lima, isang sakit sa mata ang nagdulot sa kanya ng bahagyang pagkabulag. Kaya hindi siya natutong magbasa o magsulat. Nang walong taong gulang siya, namatay ang kanyang ina sa sakit na tuberculosis. Di nagtagal, iniwan silang magkakapatid ng abusado nilang ama. Ipinadala ang bunso sa mga kamag-anak. Pero si Anne at ang kanyang kapatid na si Jimmie ay dinala sa isang tahanan para sa mga mahihirap. Ilang buwan ang lumipas, namatay si Jimmie.
Sa edad na labing-apat, naging maayos ang kalagayan ni Anne. Ipinadala siya sa isang paaralan para sa mga bulag. Sumailalim din siya sa operasyon upang mapabuti ang kanyang paningin. Bagama’t nahirapan siyang makisama, nagtagumpay siya sa akademya at nagtapos bilang valedictorian. Ngayon, kilala siya bilang si Anne Sullivan, guro ni Helen Keller. Sa pamamagitan ng pagsusumikap at pagmamahal, tinuruan ni Anne si Helen, na bulag at bingi, upang matutong magsalita, magbasa ng Braille, at makapagtapos ng kolehiyo.
Kinailangan rin ni Jose na malampasan ang matitinding pagsubok. Sa edad na 17, ibinenta siya ng kanyang mga kapatid bilang alipin. Kalaunan, naakusahan siya at nakulong (GENESIS 37; 39–41). Gayunpaman, ginamit siya ng Dios upang iligtas ang Egipto at ang kanyang pamilya mula sa taggutom (50:20).
Humaharap tayong lahat sa mga pagsubok at problema. Ngunit katulad ng pagtulong ng Dios kina Jose at Anne, kaya rin tayong tulungan ng Dios. Magtiwala tayo sa Dios sa Kanyang pagtulong at paggabay. Nakikita at naririnig Niya tayo.
