Habang nagbabakasyon, kinaaliwan namin ng aking asawa ang pagbibisikleta. Minsan, napunta kami sa isang lugar kung saan nagkakahalaga ng milyon ang mga bahay. Doon, nakita namin ang iba’t ibang tao—mga residenteng naglalakad kasama ang kanilang mga aso, mga kapwa nagbibisikleta, at maraming mga manggagawang nagtatrabaho roon. Iba’t ibang mga tao mula sa lahat ng antas ng buhay ang nasa iisang kalsada. Naalala ko ang isang mahalagang katotohanan. Wala talagang tunay na pagkakaiba sa pagitan nating lahat. Mayaman o mahirap. May-ari ng negosyo o manggagawa. Kilala o hindi kilala. Lahat ay pare-pareho. “Kay ʏᴀʜᴡᴇʜ ay pareho ang mayama’t mahirap, pagkat siya ang may lalang sa kanilang lahat” (KAWIKAAN 22:2 ᴍʙʙ). Anuman ang pagkakaiba, nilikha tayong lahat sa larawan ng Dios (GENESIS 1:27).

Ngunit may higit pang kahulugan ang pagiging pantay-pantay natin sa harap ng Dios. Kahit ano pa ang ating estado sa lipunan, lahat tayo ay isinilang na makasalanan: “Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios” (ROMA 3:23). Dahil nagkasala tayong lahat, kailangan nating lahat si Jesus.

Madalas nating hinahati ang mga tao sa iba’t ibang grupo. Ngunit ang totoo, bahagi tayong lahat ng lahi ng tao. At kahit iisa ang ating kalagayan—mga makasalanang kailangan ng Tagapagligtas—maaari tayong maging matuwid “sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin” (TAL. 24).