Sa katimugang bahagi ng Bahamas, may isang maliit na lugar na tinatawag na Ragged Island. Noong ika-19 na siglo, aktibo ang industriya ng asin dito, ngunit dahil sa pagbagsak ng industriya, maraming tao ang lumipat sa mga kalapit na isla. Noong 2016, wala pang walumpung tao ang mga naninirahan dito. May tatlong denominasyon ng relihiyon sa isla, pero sama-sama sila sa iisang lugar para sa pagsamba at pagtitipon bawat linggo. Dahil sa kaunti nilang bilang, napakahalaga ng pakiramdam ng komunidad para sa kanila.
Naramdaman din ng mga unang mananampalataya ang matinding pangangailangan at pagnanais para sa komunidad. Sabik sila sa kanilang bagong pananampalataya sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Dahil hindi na nila kasama si Jesus nang pisikal, alam nilang kailangan nila ang isa’t isa. Inilaan nila ang kanilang sarili “sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, at sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin” (GAWA 2:42). Nagtipon sila sa mga tahanan para sa pagsamba, pagkakainan, at pagtugon sa pangangailangan ng iba. Inilarawan ang simbahan sa ganitong paraan: “Nagkaisa ang mga mananampalataya sa damdamin at isipan” (4:32). Puno ng Banal na Espiritu, patuloy silang nagpuri sa Dios at idinulog ang mga pangangailangan ng simbahan sa panalangin.
Mahalaga ang komunidad para sa ating paglago at suporta. Kaya huwag nating subukang mag-isa. Bubuuin ng Dios ang pagkakaisa sa komunidad habang ibinabahagi natin ang ating mga pakikibaka at kagalakan sa iba, at sama-samang lumalapit sa Kanya.
