Kinailangang pumunta nina David at Angie sa ibang bansa upang simulan ang bagong ministeryo ng Panginoon. Kaya lang, magiging mag-isa tuwing Pasko ang mga magulang ni David, na matatanda na. Sinubukan nilang magpadala ng mga regalo at tumawag tuwing Pasko upang maibsan ang kalungkutan ng kanyang mga magulang. Pero sila ang talagang nais ng kanyang mga magulang. Dahil sa maliit na suweldo ni David, hindi siya makauwi nang madalas.

Tumutukoy ang Kawikaan 3 sa paghahanap ng karunungan (TAL. 5–6). Inilalarawan din ang iba’t ibang katangian ng karunungan gaya ng pag-ibig at katapatan (TAL. 3–4, 7–12), at ang mga benepisyo nito tulad ng kapayapaan at mahabang buhay (TAL. 13–18). Sa isang nakakaantig na pahayag, idinadagdag ritong nagbibigay ang Dios ng karunungan dahil “nagtitiwala siya sa mga namumuhay nang matuwid” (TAL. 32). Binubulong Niya ang Kanyang mga solusyon sa mga malapit sa Kanya.

Minsan, habang nananalangin, nagkaroon si David ng ideya. Isinuot nila ang kanilang pinakamagandang damit, nilagyan ng makislap na mga palamuti ang mesa, at naghanda ng Noche Buena. Ganoon din ang ginawa ng mga magulang ni David. Pagkatapos, naglagay sila ng laptop sa mesa. Nagkausap sila habang sabay- sabay silang kumakain. Parang nasa parehong silid lang sila. Naging tradisyon na ito ng pamilya mula noon.

Dinala ng Dios si David sa Kanyang tiwala at binigyan siya ng karunungan. Nagbibigay ng gabay, karunungan, at makabagong solusyon ang Makapangyarihang Dios sa ating mga problema.