Hinaplos ni Faye ang mga peklat sa kanyang tiyan matapos ang operasyon upang alisin ang kanser. Tinanggal ng mga doktor ang bahagi ng kanyang tiyan at nag-iwan ito ng malaking peklat. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Maaaring maging tanda ng sakit na kanser o tanda ng paggaling ang mga peklat. Pinipili kong gawing simbolo ng paggaling ang aking mga peklat.”

Gayundin, kinailangang pumili ni Jacob pagkatapos ng kanyang magdamag na laban sa Dios. Napilay ang balakang ni Jacob. Ilang buwan matapos ang laban, habang minamasahe ni Jacob ang kanyang masakit na balakang, ano kaya ang kanyang naiisip? Napuno ba siya ng panghihinayang para sa mga taon ng pandaraya na nagdala sa kanya sa kapalarang ito?

Nilabanan si Jacob ng isang mensaherong mula sa Dios, at tumanggi itong pagpalain siya hanggang sa aminin ni Jacob kung sino siya. Inamin niyang siya si Jacob, ang “mang-aagaw ng sakong” (GENESIS 25:26). Nilinlang niya ang kanyang kapatid na si Esau at ang kanyang biyenang si Laban upang malamangan sila. Matapos umamin, sinabi ng mensaherong hindi na Jacob ang pangalan niya, kundi “Israel...dahil nakipagbuno ka sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay” (32:28).

Kumakatawan ang kanyang pilay sa pagkamatay ni Jacob, na simbulo ng kanyang dating buhay ng pandaraya, at sa simula ni Israel, na simbulo ng kanyang bagong buhay kasama ang Dios. Dahil sa kanyang pilay, natuto siyang kumapit sa Dios, na Siyang kumikilos nang makapangyarihan sa kanya at sa pamamagitan niya.