Ipinanganak si Jill Price na may kondisyong hyperthymesia: isang kakayahang maalala nang may pambihirang detalye ang lahat ng nangyari sa kanya. Nababalikan niya sa kanyang isipan ang anumang kaganapang naranasan niya sa kanyang buhay.

Bida naman sa palabas sa Amerika na Unforgettable ang isang babaeng pulis na may hyperthymesia. Malaking tulong ang kanyang kundisyon sa paglutas niya ng mga kaso. Pero hindi ganoon ang sitwasyon ni Jill Price. Hindi niya makalimutan ang mga sandaling napintasan, nawalan, o nakagawa siya ng mga bagay na labis niyang pinagsisisihan. Binabalikan niya ang mga iyon nang paulit-ulit.

Higit naman sa hyperthymesia ang pagiging omniscient ng Dios, o ang pagkaalam Niya ng lahat ng bagay. Sinasabi ng Biblia na walang limitasyon ang pagkaunawa ng Dios. Pero matutuklasan natin sa Isaias ang isang nakakapanatag na bagay. Sinabi ng Dios, “Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo...at hindi ko na iyon aalalahanin pa” (43:25). Pinatitibay ito ng aklat ng Hebreo: “nilinis niya tayo sa mga kasalanan natin...Tuluyan ko nang lilimutin ang mga kasalanan at kasamaan nila” (HEBREO 10:10, 17).

Habang ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan sa Dios, huwag na nating balikan pa ang mga ito sa ating isipan. Kailangan na nating limutin ang mga iyon tulad ng ginagawa ng Dios: “Pero huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan” (ISAIAS 43:18). Alalahanin nating dahil sa dakilang pag-ibig ng Dios, pinili Niyang kalimutan na ang ating mga kasalanan.