Nakasabit dapat malapit sa kama ni Nanay ang kanyang makinang na palamuting krus. Dapat din, naghahanda na ako para sa pagbisita sa kanya sa Kapaskuhan. Ang nais ko lang sana sa Pasko ay isang araw kasama ang aking ina. Pero nasa bahay ako...at sa Christmas tree nakasabit ang kanyang krus.

Nang sindihan ng aking anak na si Xavier ang mga ilaw, bumulong ako, “Salamat.” Sumagot siya, “Walang anuman.” Hindi alam ng aking anak na nagpapasalamat ako sa Dios sa paggamit ng kumukutitap na mga ilaw upang maibaling ang aking mga mata sa hindi nagmamaliw na Ilaw ng Pag-asa: si Jesus.

Inihayag ng may-akda ng Salmo 42 ang kanyang damdamin sa Dios (TAL. 1-4). Inamin muna niyang “nalulungkot” at “nababagabag” siya bago niya himukin ang mga mambabasa: “Umasa ka sa Dios; sapagkat Siya’y muling pupurihin ko...” (TAL. 5 ᴀʙᴀʙ). Kahit sa sunod-sunod na kalungkutan at pagdurusa, sumilay ang pag-asa niya sa pag-alaala ng mga nakaraang katapatan ng Dios (TAL. 6-10). Nagwakas siya sa pag-aalis ng kanyang mga pagdududa at pagpapatibay ng kanyang pananampalataya: “Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam? Sa Dios ako’y may tiwala, Siyang aking aasahan; magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay, ang aking Tagapagligtas, ang Dios na walang hanggan (TAL. 11 ᴍʙʙ).

Sa marami sa atin, nagdudulot ang Kapaskuhan ng parehong kagalakan at kalungkutan. Salamat na lamang at maaaring magtugma ang dalawang magkaibang damdaming ito sa pamamagitan ng mga pangako ng tunay na Ilaw ng Pag-asa – si Jesus.