Kung sino man ang responsable sa pagpatay ng mga ilaw at pagsasara ng kapilya pagkatapos ng aming lingguhang pagtitipon, isang bagay ang sigurado ko: naaantala ang kanyang hapunan. Marami pa kasi ang gustong manatili sa kapilya upang makipagkwentuhan tungkol sa kanilang mga buhay-buhay. Nakatutuwang makitang kahit 20 minuto na matapos ang gawain, marami pa rin ang masayang nagsasama-sama.

Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, mahalagang bahagi ng buhay ang pagsasama-sama. Kung wala ang ganitong ugnayan sa ating mga kapwa mananampalataya, marami tayong mga pakinabang na hindi matatamasa.

Halimbawa, winika ni Apostol Pablo, magagawa nating “pasiglahin at patatagin ang isa’t isa” (1 TES. 5:11). Sumasang-ayon ang may akda ng Hebreo, na nagsasabi sa ating huwag kaligtaan ang pagsasama-sama, dahil kaliangan nating “palakasin...ang loob ng bawat isa” (10:25). Sinabi rin ng may akdang kapag nagsasama- sama tayo, nahihikayat natin ang isa’t isa “sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan” (TAL. 24).

Bilang mga taong itinalaga ang buhay kay Jesus, inihahanda natin ang ating mga sarili sa katapatan at paglilingkod habang pinalalakas natin ang mga mahina at nagiging mapagpasensya sa lahat (1 TES. 5:14). Sa tulong ng Dios, nagdudulot ang ganoong pamumuhay upang matamasa natin ang tunay na pagsasama- sama at “makagawa ng mabuti sa isa’t isa at sa lahat” (TAL. 15).